December 24, 2024

Daming gutom sa COVID-19… Resto at hotel workers sa Boracay, nag-apply bilang contact tracer

MARAMING manggagawa mula sa mga resto at hotel na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 sa Boracay ang nag-apply bilang contact tracers, ayon sa Department of the Interior and Local Government.

“Kagabi (Friday) po noong nandu’n kami sa Kongreso, si [Aklan second district Congressman Teodoro] Haresco gave us the application papers of so many employees ng mga restaurants, hotels sa Boracay na nawalan ng trabaho na gustong maging contact tracer,”  ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa panayam sa Dobol B sa News TV.

“At kailangang kailangan po nila, dahil kapag nagsibalikan ang mga turista sa Boracay, mas tataas ang need for contact tracers,” dagdag pa niya,

Ayon pa kay Malaya, na karagdagang contact tracer ang ipapadadala sa Region 6 lalo sa Aklan sakaling kulangin ang mga aplikante.

Lampas sa dalawang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho matapos ipatupad ng pamahalaan ang community quarantines upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Abril.