June 12, 2025

DALAWANG MOST WANTED SA RIZAL, TIKLO SA WARRANT OPS

Dalawang Most Wanted Person sa lalawigan ng Rizal ang matagumpay na naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) sa parehong araw, Hunyo 9, 2025.

Unang naaresto si alyas “Ado”, 57 anyos, isang artist at residente ng Brgy. San Vicente, Angono, Rizal. Bandang 9:20 ng umaga, nahuli siya ng mga operatiba ng Angono Municipal Police Station sa Brgy. San Isidro, Angono. Si Ado ay may kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Ang warrant of arrest ay inisyu ng RTC Branch 69, Binangonan, Rizal na may rekomendadong piyansang ₱200,000.

Ayon sa imbestigasyon, ang biktima—isang 17 anyos na lalaki—ay tinakot at sapilitang isinama ng suspek habang naglalaro ng skateboard noong Pebrero 2024. Kalaunan, umano’y inabuso ito ni Ado. Naiulat ang insidente sa Angono MPS noong Marso 13, 2024.

Samantala, alas-10:15 ng umaga, isa pang Most Wanted Person na si alyas “Rey”, 55 anyos, isang construction worker at itinuturing na Rank No. 9 Most Wanted sa lalawigan, ay naaresto ng mga tauhan ng Rodriguez Municipal Police Station sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Nahuli si Rey sa bisa ng warrant of arrest mula sa RTC Branch 75, San Mateo, Rizal, para sa kasong Acts of Lasciviousness na may piyansang ₱180,000. Ang suspek ay umano’y live-in partner ng lola ng biktima. Ayon sa ulat, noong Oktubre 27, 2024, habang kumukuha ng damit sa bahay ng tiyahin, nilapitan at minolestiya ng suspek ang biktima.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga istasyon ng pulisya ang dalawang akusado habang isinasagawa ang mga kaukulang proseso para sa pagsasampa ng kaso sa korte.

Binigyang-diin ni PCOL Felipe B. Maraggun, Provincial Director ng Rizal PPO, na ang mga operasyon tulad nito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga kriminal na nagtatago sa batas.

“Patuloy naming isusulong ang hustisya para sa mga biktima at ang kapayapaan sa buong lalawigan,” ani Maraggun.