May 22, 2025

DALAWANG 18-ANYOS NA BABAE, NADAKMA SA ₱5.4M DROGA SA PASIG (Shabu hub, binulabog ng buy-bust)

PASIG CITY — Naaresto ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) ang dalawang 18-anyos na babae na umano’y sangkot sa ilegal na bentahan ng droga sa isang buy-bust operation na isinagawa noong Mayo 20, 2025 sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pangunguna ni PMGEN Anthony A. Aberin, isinagawa ang operasyon bandang 5:45 ng hapon sa isang tahanan sa Esguerra Street matapos ang masusing surveillance sa target na lugar. Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkakumpiska ng 792.44 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱5,389,190.00.

Ayon sa pulisya, ang mga ilegal na droga ay natagpuan sa pitong knot-tied transparent plastic bags at tatlong heat-sealed sachets, na pawang naglalaman ng puting kristal na substansiyang pinaniniwalaang shabu. Kasama ring nakumpiska ang isang sky-blue eco bag at orange pouch na ginamit umano sa pagtatago at pagbiyahe ng droga.

Bukod sa droga, nasamsam rin ang isang ₱1,000 bill at 299 piraso ng boodle money na may parehong denominasyon, na ginamit bilang marked buy-bust money. Ang lahat ng ebidensya ay maayos na naitala at nilagdaan ng mga operatiba, at agad na dinala sa EPD-Forensic Unit sa Mandaluyong City para sa pagsusuri.

Ang dalawang suspek ay inabisuhan ng kanilang karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine, isinailalim sa medical examination sa Rizal Medical Center, at kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Custodial Facility. Sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa ilegal na pagbebenta at pag-iingat ng mapanganib na droga.

Sa kanyang pahayag, muling iginiit ni PMGEN Aberin ang determinasyon ng NCRPO sa laban kontra ilegal na droga.

“Our resolve to end the illegal drug problem is unwavering and indiscriminate. We will continue to launch an aggressive campaign, but we shall do it in accordance with the Police Operational Procedures and due process of law,” aniya.

Sa ilalim ng kanyang Triple-A Strategy — Able, Active, Allied — patuloy na isinusulong ni PMGEN Aberin ang maigting na kampanya laban sa mga sindikato ng droga at mga bagong banta sa seguridad ng publiko sa Metro Manila.