BINAN CITY, LAGUNA – Binawian ng buhay ang isang dalagita na pinagsasaksak sa loob ng kanilang inuupahang apartment ng suspek na dating kasintahan ng kanyang ina bandang 3:00 ng hapon kahapon sa Purok 1 Brgy. Timbao ng nasabing bayan.
Kinilala ang biktima na si Jonaflor Gurra, 18 anyos at residente sa nabanggit na lugar habang kinilala naman ang suspek na si Jayson Abejuela, 29, residente ng Brgy. Laloma sa kaparehong lugar.
Ayon sa ipinadalang report ni Binan City Police Station Chief, PLtColonel Virgilio Jopia kay Laguna Police Provincial Director, P/Colonel Randy Glenn Silvio, isang tawag ang kanilang natanggap galing sa isang barangay official ng naturang barangay tungkol sa nangyaring insidente ng pananaksak na agad naman nirespondehan ng mga otoridad at lumalabas sa isinagawang imbestigasyon na nakita ng ilang testigo ang suspek na nagpupumilit pumasok sa loob ng apartment ng biktima at narinig din na sumisigaw ang biktima at humihingi ng tulong.
Kalaunan ay tumigil ang pagsigaw nito at nakitang nagmamadaling umalis ang suspek sa lugar kaya’t pinuntahan ng ilan residente ang loob ng bahay at tumambad sa kanila ang katawan ng biktima na naliligo sa sarili nitong dugo at may mga saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Naisugod pa sa ospital ang biktima na ideneklarang dead on arrival ng mga rumespondeng doktor.
Nadakip naman ang suspek bandang 8:00 ng gabi ng parehong araw sa isinagawang hot pursuit at follow up operation ng Biñan City PNP sa Barangay Casimiro sa Las Pinas City.
Inamin ng suspek na ang ina ng biktima ang kanyang pakay na nauna ng pinagbantaan ng suspek na papatayin dahil meron na umanong ibang nanliligaw dito subalit napagbalingan lamang niya umano ang dalagita bilang ganti.
Sasampahan ng kasong murder ang nakakulong na suspek sa Binan City Custodial Facility. (KOI HIPOLITO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA