November 2, 2024

DALAGITA NASAGIP
SA KAMAY
NG CHATMATE

Nagawang ma-rescue ng mga tauhan ng Malabon City Police ang isang menor-de-edad na dalagita sa kamay ng kanyang naka-chat na construction worker sa isinagawang operasyon sa Lungsod ng Lucena noong Biyernes Santo sa lalawigan ng Quezon.

Sa ulat ni Malabon Police chief P/Col. Albert Barot kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. nagtungo sa kanilang tanggapan ang ama ng biktima na itinago sa pangalang “Rosana” noong Abril 13, 2022 upang iulat ang hindi pag-uwi ng kanyang dalagitang anak makaraang umalis ng kanilang bahay noong Abril 12, matapos umanong makipagkita sa kanyang naka-chat sa isang lalaki.

Dakong alas-9:35 ng umaga noong Biyernes Santo, nakatanggap ng impormasyon si P/Maj. Ronald Carlos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) hinggil sa kinaroroonan ng suspek na nakilalang si Rodolfo Maglaque, Jr. 28, sa Barangay Dalahican, Marikina City.

Pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar kung saan nakausap ni Maj. Carlos ang ama ng suspek na si Rodolfo Sr. at itinuro ang kinaroroonan ng kanyang anak sa Barangay Mayao Crossing sa Lucena City, Quezon Province kaya’t noon din ay nakipag-ugnayan ang pulisya sa Women and Children Prtection Center at Anti-Cybercrime Unit sa Camp Crame upang maisagawa ang rescue operation.

Dakong alas-4 ng hapon ng araw din ng Biyernes nang makarating at makipag-ugnayan sina Maj. Carlos kay Quezon Provincial Director P/BGen. Joel Villanueva na kaagad ding nag-utos sa kanyang mga tauhan na tumulong na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa Purok Atis, Brgy. Mayao, Crossing.

Bukod kay Maglaque Jr., inaresto rin nina Maj. Carlos ang ina ng suspek na si Aniceta Dazer, 58 bunsod na umano’y pagkunsinti nito sa anak sa ginawang pagtangay at panghahalay sa dalagitang biktima.

Ang dalawa ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa dalawang bilang ng R.A. 8353 of Anti-Rape Law at R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa piskalya ng Malabon. (JUVY LUCERO)