January 25, 2025

DALAGA GINAHASA’T PINATAY SA LOOB NG BAHAY SA MALABON

WALA ng buhay at hinihinalang ginahasa ang isang 29-anyos na dalaga nang matagpuan sa loob ng kanyang bahay sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang biktima bilang si Lovely Ann Villagomez na natugpuan ng kanyang boyfriend na si Kevin Louie Lim, na duguan at walang buhay dakong alas-6:30 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima sa 12 A. Cruz St. Brgy. Baritan.

Sinabi ni Lim sa pulisya na nagpunta siya sa bahay ng kanyang kasintahan nang hindi nito sinasagot ang kanyang mga tawag at text massage at nang sumilip siya sa pinto ay nakita niya itong nakahandusay sa sahig na puno ng dugo.

Personal namang nagtungo si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa lugar upang ipaabot ang simpatiya niya sa pamilya ng biktima saka kinondena ang ginawang pagpatay at hiniling niya sa mga awtoridad na magsagawa ng agarang imbestigasyon at tiyakin na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa dalaga.

Kaagad din naman natukoy ng pinagsamang mga tauhan ng Malabon police at Northern District Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagkakilanlan ng suspek na si Jaemark Reyes, 26, ng 30 Pantihan 2 Naval St., Brgy. Flores, Malabon City matapos siyang makita sa close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa naturang lugar na pumasok sa bahay ng biktima dakong ala-1 ng hapon na nakasuot ng itim na t-shirt at may bitbit na isang itim na sport bag at nang lumabas makalipas ang isang oras ay nakasuot na ng dilaw na t-shirt.

Nagawa din matunton ng mga operatiba ng CIDG sa pangunguna ni P/MSgt. Roberto Borromeo ang driver ng e-bike na inupahan ni Reyes sa pag-uwi at napansin niya na duguan ang kanang mata ng kanyang pasahero na nagpapahiwatig na maaring lumaban ang biktima sa salarin.

          Sa tulong ng e-bike driver, nagawang matunton ng pulisya ang bahay ng suspek sa Brgy. Flores at nakausap nila ang kanyang mga kamag-anak na nagsabi na umamin sa kanila si Reyes na nakapatay siya at humingi ng pera para pamasahe sa pagpunta sa kanyang lolo sa Malolos City, Bulacan.

Hindi na nag-aksaya ng oras ang mga awtoridad at kaagad nagtungo sa Malolos City kung saan nahanap nila ang bahay ng lolo ni Reyes sa harap ng Centro Escolar University sa McArhur Hi-way na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-12 ng Martes ng madaling araw.

Sinabi ni Col. Barot na sinubukan pa ng suspek na manlaban subalit, nagawa siyang masupil ng mga operatiba.

Narekober ng pulisya sa loob ng itim na sport bag nito ang dilaw na t-shirt at dark shorts nang makita siyang palabas ng bahay ng biktima.