December 20, 2024

Dahil sa P300 na utang… MANGINGISDA BINARIL, MALUBHA

ISANG mangingisda ang nasa kritikal na kondisyon matapos barilin ng isang helper makaraan ang mainitang pagtatalo nang tumangging magbayad ang biktima ng P300 na utang sa suspek sa Malabon City, Sabado ng umaga.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Christopher Borja, nasa hustong gulang ng Rodriguez 1 St.,, Brgy. Dampalit.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilalang si Amador Bernardo alyas “Baki”, 41 ng Masipag St., dmci, Brgy Tanza, Navotas City.

Sa ulat nina PSMS Julius Mabasa at PSSg Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan, dakong alas-7:00 ng umaga nang komprontahin ng suspek ang biktima sa harap ng No. 11 Damzon St., Brgy. Dampalit at sinabihan na magbayad ng P300 na utang subalit, tumanggi si Borja kaya nauwi ang mga ito sa mainitang pagtatalo.

Naglabas ng baril ang suspek at binaril ang biktima na nagawa pang makatakbo subalit, hinabol siya ni Bernardo saka muling binaril bago mabilis na tumakas sakay ng isang bisikleta habang isinugod naman si Borja sa San Lorenzo Ruiz Hospital at kalaunan ay inilipat sa TMC.

Kaagad namang iniutos ni Col. Tangonan sa kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Maj. Carlos Cosme Jr, SS7 Commander na magsagawa ng manhunt operation sa koordinasyon sa Navotas Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang sakay ng bisikelta at nakumpiska sa kanya ang isang cal. 357 magnum revolver na ginamit sa pamamaril sa biktima.