November 2, 2024

Dahil sa “Online Sabong”…
VIETNAMESE NATIONAL NA BAON SA UTANG, NAGPAKAMATAY SA MALABON

Nagpakamatay ang isang Vietnamese national sa pamamagitan ng pag-inum ng silver cleaner dahil sa problema dala ng isinampang kaso laban sa kanya nang mabaon sa utang dahil umano sa “Online Sabong” sa Malabon city.

Sa report ni investigator on case PSSg Mark Alcris Caco kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-10 ng umaga ng February 16, 2022 nang madiskubre ni Romeo Castillo, Jr, 24, waiter ng No.113 Adante Street ang wala ng buhay na katawan ng 35-anyos na biktimang Vietnamese national, businessman sa loob ng kanyang inuupahang apartment sa No. 113 Adante St. Brgy. Tañong.

Kaagad ni-report ni Castillo ang pangyayari sa Malabon Police Sub-Station 6 na rumesponde sa naturang lugar kung saan narekober ng mga ito sa pinangyarihan ng insidente ang isang madilaw na likido sa plastic cup na naglalaman ng umano’y silver cleaner.

Bandang alas-8 ng umaga ng nasabi ring petsa nang huling nakitang buhay ang biktima sa kanyang apartment ng saksing si Daisylyn Samonte, 29, vendor.

Sa panayam sa kanya ni PSSg Caco, sinabi naman ng isa pang saksi na si Gee Kay Legaspi, 42, teller ng Pitmaster On line Sabong na nagkaroon ng maraming utang ang biktima sa iba’t ibang personalidad dahil sa “Online Sabong” at problemado din aniya ito dahil sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya na nakabinbin sa Office of City Prosecutor ng Malabon.