December 25, 2024

DAHIL SA KAWALAN NG TRABAHO AT PROBLEMA SA PAMILYA, KELOT NAGPAKAMATAY

Winakasan ng isang 33-anyos na lalaki ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili dahil sa depresyon dala ng kawalan ng trabaho at problema sa pamilya sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon Police Sub-Station 3 commander P/Maj. Carlos Cosme ang biktima na si Charie Odtuhan ng No. 9 Camia St. Brgy. Maysilo.

Sa report ni homicide investigator P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-3 ng hapon nang makalanghap ng mabahong amoy ang byudang ina ng biktima na si Candelaria Odtuhan, 62, traffic enforcer mula sa kuwarto ng anak.

Nang buksan ng ina ang kuwarto, laking gulat nito nang makita ang anak na naliligo sa sariling dugo at nasa tabi nito ang isang baril na naging dahilan humingi siya ng tulong sa SS-3.

Ayon kay Maj. Cosme, narekober sa tabi ng biktima ang isang caliber .38 revolver, isang basyo ng bala at isang fired bullet.

Sa imbestigasyon ni SSgt. Tindugan, dumaranas umano ang biktima ng depresyon dala ng kawalan ng trabaho at problema sa pamilya.Nag- execute naman ang kanyang ina ng isang waiver na naniniwala siyang walang naganap na foul play sa pagkamatay ng kanyang anak.