November 17, 2024

Dahil sa ammonia leak, isa naman ice plant sa Navotas ipinasara

Photo NET25

PANSAMANTALANG ipinasara ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang isa namang planta ng yelo matapos ang pagtagas ng ammonia, Martes ng gabi na naging dahilan upang sapilitang lumikas ang lahat ng manggagawa nito at kanilang mga kamag-anak

Ayon kay Navotas City Fire Station FO1 Donnalyne Aquino, 12 na manggagawa at tatlo sa kanilang mga kaanak na nananatili sa loob ng 168 Tube Ice Corp. na matatagpuan sa 1054 M. Naval St. Brgy. North Bay Boulevard-Kaunlaran ang napilitang umalis sa planta bandang 11:57 dahil sa pagtagas ng ammonia.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa lugar at naisara ang valve plate sa loob ng compressor room kung saan nangyari ang pagtagas at idineklara itong under control bandang 12:10 ng madaling araw ng Miyerkules.

Sinabi ni Mayor John Tiangco na wala namang naiulat na nasugatan o nasawi dahil malayo ang planta ng yelo sa mga kabahayan sa Barangay NBB-Kaunlaran habang ang mga rumespondeng pulis at tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ay pansamantalang isinara ang lugar sa trapiko upang maprotektahan ang mga motorista mula sa pinsala.

Dagdag pa ni Tiangco, maging ang 12 manggagawa at kanilang mga kamag-anak na napilitang lumikas sa planta ng yelo ay nasa maayos na kalagayan at hindi na kailangan ng medikal na atensyon.

Sinabi ni Navotas Fire Station chief F/Supt. Jude Delos Reyes na nasa proseso pa sila ng imbestigasyon para malaman kung sinunod ng may-ari ng planta na si Robert Sytico, ang regular maintenance procedure ng planta bago sila mabigyan ng go signal para mag-operate.

Samantala, sinabi naman ni CDRRMO chief Vonne Villanueva na hihintayin nilang matapos ang imbestigasyon ng Navotas BFP at titiyaking matutugunan ng pamunuan ng planta ang lahat ng kinakailangan bago sila magrekomenda para sa pagpapatuloy ng operasyon ng ice plant. (JUVY LUCERO)