Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na maghanap ng mga potensyal na mapagkukunan ng tubig upang matugunan ang kakulangan ng suplay sa gitna ng patuloy na El Niño weather phenomenon.
“Dahil sa mga inaasahang pandaigdigang kakulangan ng suplay sa hinaharap, ang gobyerno ay kailangang bumuo ng isang komprehensibong programa na sapat na tutugon sa kakulangang ito,” sabi ni Gatchalian. Dagdag niya, ilang mga lugar na ngayon sa bansa ang nakakaranas ng krisis sa tubig kasunod ng epekto ng El Niño.
Nauna nang inihain ng senador ang Proposed Senate Resolution No. 691, na humihimok sa buong gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng mga paghahanda upang masugpo ang masamang epekto ng El Niño phenomenon sa lahat ng larangan, kabilang ang suplay ng tubig. Sa kasalukuyan, ang Angat Dam sa lalawigan ng Bulacan ay nagsusuplay ng higit sa 90% ng pangangailangan ng tubig sa Metro Manila.
Nauna nang iminungkahi ni Gatchalian ang pagkuha ng suplay ng tubig sa Laguna de Bay para sa Metro Manila at mga karatig na lugar. “Bukod sa Laguna de Bay, dapat pag-aralan ng gobyerno ang iba pang posibleng mapagkukunan ng tubig na tutugon sa potensyal na kakulangan ng tubig sa mga susunod na taon,” sabi ni Gatchalian.
Binanggit ng mambabatas ang kamakailang inilabas na UN World Water Development Report 2024, na nagsasaad na ang lumalaking kakulangan ng suplay ng tubig ay nakakadagdag sa instability ng bansa. Isiniwalat ng ulat na humigit-kumulang 2.2 bilyong tao sa buong mundo ang walang access sa malinis na inuming tubig habang nasa 3.5 bilyong tao ang walang access sa ligtas na pinamamahalaang sanitasyon noong 2022.
Sa kasalukuyan, nakakaranas ng kakulangan sa tubig ang Cebu City, Zamboanga City, at mga bayan ng Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro. Ang mga lokalidad na ito ay nagdeklara na ng state of calamity.
Nauna nang inamin ni Pangulong Marcos na may krisis sa tubig ang bansa kaya naman ipinag-utos niya ang agarang pagkumpleto ng lahat ng mga proyekto sa tubig. Ang isang halimbawa ay ang Davao City Bulk Water Supply Project, isa sa pinakamalaking pribadong bulk water supply facility sa bansa.
“May El Niño man o wala, hindi maikakaila ang pangangailangan para sa bansa na bumuo ng karagdagang pinagkukunan ng tubig,” diin ni Gatchalian.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA