January 25, 2025

DAGDAG-SAHOD SA TAGAWALIS, TRAFFIC AIDE (Isinusulong ni Sen. Tulfo)

ISINUSULONG ni Senator Raffy Tulfo ang pagtaas ng sahod sa mga kawani ng gobyerno.

Ayon kay Tulfo, ang gobyerno ay dapat nangunguna sa pagsunod sa labor standards na nagbibigay ng karapatan sa mga empleyado na makatanggap ng minimum wage.

Hanggang ngayon aniya’y marami pa ring empleyado sa gobyerno ang walang seguridad sa trabaho at sapat na sahod, kabilang na dito ang street sweepers at traffic aides sa iba’t ibang munisipalidad.

“It is important to lead by example. Kung ang gobyerno ay hindi nagbibigay ng tamang sahod sa mga empleyado, how can we expect private companies to comply with labor standards and properly compensate their employees,” saad ni Tulfo.

“Sila marahil ang may pinakamahirap na trabaho — nakababad sa araw o di kaya ay nauulanan at nakakalanghap ng polusyon. May kalakip ding panganib ang trabaho nila pero ang kapalit ay maliit at di sapat na suweldo,” dagdag ni Tulfo.

“If the government is serious in protecting workers’ rights and fighting against unjust labor practices, it must start by ensuring that people working for the government are earning decent salary,” saad pa niya.

Sa ilalim ng Local Budget Circular No. 143 (s. 2022), ang suweldo ng mga street sweepers at traffic aides ay nakadepende sa klasipikasyon ng kita ng mga Local Government Units (LGUs).

Ang mga street sweepers, gaya ng nakasaad sa LBC, ay maaaring kumita ng mula ₱14,993 sa isang buwan hanggang sa kasing baba ng ₱8,648, na katumbas ng ₱376 sa isang araw. Ang mga traffic aides naman ay maaaring kumita ng mula ₱17,899 sa isang buwan hanggang sa kasing baba ng ₱9,181.00 o ₱399 kada araw.

“Marami pa rin sa street sweepers at traffic aides ang sumasahod below industry standard dahil nakasalalay pa din sa financial capacity ng bawat LGU ang sahod na matatanggap nila. Habang mas mababa ang income classification ng LGU ay mas mababa pa sa minimum wage ang sweldo ng mga traffic aides at street sweepers natin,” ayon kay Tulfo.