November 19, 2024

DAGDAG-SAHOD SA CENTRAL LUZON, KAKARAMPOT

Tinawag ng mga manggagawa sa Central Luzon na “batay sa salamangka” ang iginawad na dagdag-sahod ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region III (RTWPB III) noong Setyembre 28. Nakasaad sa inilabas ng ahensya na Wage Order No. RBIII-24 ang kakarampot na ₱40 na dagdag sa kasalukuyang ₱460 arawang minimum sa mga empresang may 20 manggagawa pataas. Samantala, tataas lamang ang ₱413 tungong ₱453 na sahod ng mga manggagawa na nasa mga empresang may mas mababa sa 10 manggagawa.

Para sa mga manggagawang pang-agrikultura sa mga plantasyon, tataas mula ₱430 tungong ₱470, habang ang mga wala sa plantasyon ay tataas lamang mula ₱414 tungong ₱454.

Magiging epektibo ang mga bagong minimum mula kalagitnaan ng Oktubre. Naganap ang pagtataas ng sahod matapos magpetisyon, manawagan at lumahok sa konsultasyon ang mga manggagawa sa pangunguna ng Central Luzon Workers for Wage Increase (CLWIN).

“Gaya ng inaasahan na, tulad sa iba pang mga rehiyon, hindi ibibigay ng RTWPB ang kahilingan para sa nakabubuhay na sahod,” pahayag ng grupo. “Alam nating tutuparin lamang nito ang tungkuling ipako sa mababang antas ang sahod sa mga rehiyon para sa bentahe ng mga economic zones sa mga ito na pinatatakbo ng dayuhang kapital.”

Bwelta ng mga manggagawa, makikita kung paano na naman nagsalamangka ng mga numero ang gubyerno para bigyang katwiran ang napakababang dagdag sahod sa bagong wage order. Ginamit ng wage board ang pasong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021 kung saan ang poverty threshold (hangganan ng karalitaan) sa rehiyon ay inilagay sa napakababa at di nakabubuhay na ₱13,160 para sa isang lima-kataong pamilya. Ito ay para panatilihing mababa ang sahod at sweldo.

Ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, nasa ₱1,108 ang nakabubuhay na sahod para sa Central Luzon noong Hulyo. Wala pa sa kalahati nito ang dating minimum na sahod na nasa ₱460 kada araw at kahit sa magiging bagong minimum na ₱500 kada araw.

“Binabago-bago ng gubyerno ang pamantayan ng batayang pangangailangan para mabuhay upang linlangin ang mamamayan,” bwelta ng mga manggagawa. Kasabay ng pambabarat sa sahod ang patuloy na paglaganap at paglawak ng kontraktwalisasyon at pag-atake sa karapatang mag-unyon ng mga manggagawa sa Region III.

“Hangga’t bansot ang ating industriya at nananatiling nakaasa ang bansa sa dayuhang pamumuhunan, titiyakin ng gubyerno na mababa ang sahod, walang katiyakan sa trabaho at di-organisado ang mga manggagawa para maengganyo ang mga dayuhang kapitalista na dito maglagak ng kapital,” ayon pa sa CLWin. “Mananatili ring maraming nag-aagawan sa trabaho kahit kalunus-lunos ang pasahod at kalagayan sa paggawa dahil hindi nakakalikha ng sapat at istableng hanapbuhay ang lipunan.”

Pangako ng grupo ang pagpapatuloy sa paggigiit na itakda ang sahod batay sa “pangangailangan natin at ng ating pamilya para sa disenteng pamumuhay.”