KINONDENA ng grupong Migrante International ang dagdag na mga rekesito sa pagbyahe na ipinataw ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) noong nakaraang linggo.
Alinsunod sa bagong patakaran nito, kailangang magpakita ng dagdag na mga dokumento ang mga migrante, tulad ng patunay ng may pampinansya silang kapasidad o “show money” bago sila payagang sumakay sa eroplano.
Nakatakdang ipatupad ang patakaran sa Setyembre 3.
Inilulusot ng IACAT ang mapaniil na rekisito sa kunwa’y “paglaban sa human trafficking.” Pero ang pagdagdag ng mga rekisitong dokumento at ang dagdag na awtoridad ng mga opisyal sa imigrasyon para arbitraryong kilatisin ang mga ito, ay labag sa karapatan sa pagbyahe, ayon sa grupo.
Labag din ito sa karapatan sa pribasiya, ayon naman sa ilang kongresista. Nagbibigay puwang ito para sa dagdag na panghuhuthot ng korap na mga opisyal sa imigrasyon.
“Hindi ito ang paraan, kung gusto ng gobyerno na resolbahin ang human trafficking,” ayon kay Kabataan Rep. Raoul Danniel Manuel.
Rekomendasyon niya, gamitin ang mga confidential at intelligence funds para manmanan ang mga posibleng sangkot sa human trafficking, at hindi ang mga ordinaryong Pilipino na gustong bumyahe o magtrabaho sa ibang bansa.
Dagdag itong pasanin ng mga migrante, na karamihan ay lubog na sa utang bago pa sila makalabas ng bansa, ayon pa sa Migrante.
“Malaon nang itinatrato ng gubyernong Pilipino, kabilang ang rehimeng Marcos, ang mga migrante bilang palabigasan. Dapat ibasura ang bagong patakaran na ito.”
Duda naman ang grupong Karapatan na masasawata o mababawasan man lamang ang mga kaso ng human trafficking sa bagong patakaran ng IACAT. “Ipinapasa ng patakarang ito ang paglaban sa human trafficking sa indibidwal na Pilipino, laluna sa mga OCW, hindi sa gubyerno o sa mga human trafficker at kanilang mga sindikato,” ayon sa Karapatan. Inihalimbawa nito ang kabiguan ng estado na imbestigahan at isakdal si Pastor Quiboloy na wanted sa US para sa sex trafficking.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund