January 23, 2025

Dagdag na non-financial benefits sa mga titser, target ng DepEd

PINAG-AARALAN ng Department of Education ang posibleng pagbibigay ng karagdagang non-financial benefits sa mga guro.

Pahayag ito ni DEPED Spokesperson Michael Poa, kasabay ng paglilinaw sa nauna nitong sinabi na pinag-aaralan ng kagawaran ang allowances para sa non-basic wage benefits na maaring ipagkaloob sa mga titser, sa gitna ng mga panawagang itaas ang kanilang suweldo.

Humingi ng paumanhin si Poa at ipinaliwanag na pagdating sa budget ay kasalukuyan pa itong pinag-aaralan kaya ayaw niyang pangunahan ang resulta nito.

Sinabi ng opisyal na ang pokus nila sa ngayon ay pag-aralan ang non-financial benefits.

Ayon kay Poa, isa sa most requested benefits ng mga guro ay health insurance.

Tinitingnan din aniya nila ang trainings para sa promotions bilang isa sa posibleng non-financial benefits para sa mga guro.

Mayroon din aniyang maling paniniwala na mababa lamang ang tinatanggap na suweldo ng mga titser.

Sinabi ni Poa na simula noong 2019 ay tumaas na ang suweldo ng mga guro at sa kasalukuyan, ang entry level salary ay nasa 23,000 pesos at inaasahang tataas pa ito sa 27,000 pesos pagsapit ng 2023.