January 24, 2025

DAGDAG NA MOTORCYCLE LANE SA EDSA PINAG-AARALAN NG DOTR

PINAG-AARALAN na ng Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensiya ng gobyerno ang posibilidad na magdagdag ng motorcycle lane upang maibsan ang problema ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.


Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, base sa pag-aaral nasa 170,000 motorisklo ang gumagamit ng EDSA araw-araw.

Sinabi rin ng DOTr chief na sa pamamagitan ng motorcycle lane sa EDSA, layunin din ng gobyerno na tugunan ang economic cost ng traffic.

Binanggit ni Bautista ang pag-aaral noong 2012 ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na nagsasaad na ang economic cost ng traffic ay P2.4 bilyon kada araw sa Metro Manila.

Noong 2017, ang gastos sa ekonomiya ay umabot sa P3.5 bilyon sa isang araw, habang ang pinakahuling pag-aaral noong 2022 ay nagpapahiwatig na ang pagkalugi sa ekonomiya mula sa trapiko ay P4.9 bilyon sa isang araw. Ang JICA ay inaasahang tataas ito ng P9 bilyon kada araw sa 2030.

“Economic cost (of traffic), ito po yung additional fuel, additional cost, nawawalang (lost) opportunity for growth, lost time natin sa family,” paliwanag pa niya.