November 19, 2024

DA USEC KRISTINE EVANGELISTA SIBAK SA ANOMALYA SA SUPPLY NG SIBUYAS

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagpapatalsik  kay Agriculture Asst. Secretary for Consumer Affairs Kristine Evangelista sa puwesto kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng sibuyas para sa Kadiwa stores.

Nakasaad sa desisyon ng Ombudsman na guilty sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service si Evangelista kung kaya ipinataw sa kanya ang pinakamabigat na parusa na pagsibak sa serbisyo.

Magugunita nitong Agosto ay isinailalim sa anim na buwan na preventive suspension si Evangelista at iba pa dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at Procurement Law dahil sa naging problema sa suplay ng sibuyas, ang nagaganap umano na price manipulation at kwestyunableng pagbili ng sibuyas ng FTI sa Bonena Multi-Purpose Cooperative.

Sinuspindi rin sina DA Administrative Officer V Eunice Biblanias, DA OIC-Chief Accountant Lolita Jamela, Food Terminal Inc. (FTI) Vice President for Operations John Gabriel Benedict Trinidad III, at FTI Budget Division Head Juanita Lualhati.

Bukod pa sa mga natukoy na opisyal, nahaharap din sina DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban at FTI President Robert Tan, sa kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service kaugnay ng usapin. Kaagad namang itinanggi ni Evangelista ang alegasyon at sinabing hindi siya corrupt na opisyal ng pamahalaan.