November 13, 2024

CYBERLIBEL VS NAGPAPAKALAT NG ‘FAKE NEWS’ PINAG-AARALAN NG BELL-KENZ PHARMA INC.

PINAG-AARALAN na ng isang parmasiya na sampahan ng kasong kriminal ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon patungkol sa pagbibigay ng perks and privileges ng isang gumagawa ng gamot.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sínabi ni Atty. Dezery Perlez na planong sampahan ng kaso ng kumpanyang Bell-Kenz Pharma Inc. ang mga nakikisali sa kanilang isyu at nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.

Maging ang ilang doktor na nagpapakalat na naturang impormasyon ay handa rin nilang kasuhan.

Ayon naman sa isa pang legal counsel ng Bell Kenz na si Atty Alex Avisado, maraming legal options na maaari nilang gamitin laban sa mga nagpapakalat ng naturang malisyoso at nakasisira ng imaheng balita.

Hindi aniya magdadalawang-isip ang kumpanyang Bell-Kenz Pharma Inc. na sampahan ng kasong cyber libel ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media kaugnay ng ibinibintang na unethical marketing practices ng kumpanya, na pinalalala pa ng maraming social media post.

Handa rin anilang kasuhan maging ang ilang doktor na nagpalutang ng alegasyon tungkol sa umano’y multi-level marketing scheme ng kumpanya.

Magugunitang isiniwalat kamakailan lang ang sinasabing pagbibigay ng incentives at foreign trips ng kumpanya sa mga doktor kapalit ng pagrereseta ng gamot na gawa nila.