June 18, 2024

CYBERCRIMINALS, SCAMMERS TUTUGISIN NG BAGONG NBI CHIEF

NANGAKO si bagong National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na gagawin niya ang lahat laban sa cybercrime, kung saan sinabi nito na kanyang pupukpukin ang mga sangkot sa cybercrimes at scams.

“Pupukpok kami sa cybercrime, andami na nating mga scam scam. Yan ang pupukpukin ko as much as possible,” saad ni Santiago.

Sinabi rin nito na prayoridad din sa ilalim ng kanyang pamumuno ang pagpapabilis sa clearance issuance process.

Layundin niya na maibalik ang tiwala ng publiko sa law enforcement, lalo na sa NBI.

Looking forward din ang dating pulis-Maynila at judge sa kanyang bagong tungkulin bilang hepe ng NBI.

“Siyempre I’m excited. You know, ang pangarap ko maging pulis. Sinuwerte lang na naging abogado, naging piskal, naging judge. Ngayon balik na naman sa pulis, although NBI ibang larangan naman,” wika ni Santiago.


Si Santiago ay dating pulis bago magsilbi bilang presiding judge ng Manila RTC.

Siya ay Deputy Chief ng elite Special Weapons and Tactics team ng Manila Police Department. Nakilala siya bilang sniper na nagsilbing inspirasyon para sa pelikulang “SPO4 Santiago Sharpsshooter.” Pinasok ni Santiago ang law profession matapos niyang makuha ang kanyang Bachelor of Laws degree mula sa Manuel L. Quezon University noong 1993.

Naging prosecutor siya at naitalaga bilang presiding judge ng Manila RTC.

Nagsilbi rin ang bagong NBI chief bilang presidente ng Metropolitan and City Judges Association of the Philippines at miyembro ng Supreme Court’s Committee on Security.