January 23, 2025

CURFEW SA METRO MANILA BINAKLAS

Aalisin na ang general curfew sa Metro Manila bukas, Nobyembre 4, sa harap ng nagpapatuloy pa ring COVID-19 pandemic.

Pero ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, nilinaw niya na mananatili naman ang curfew para sa mga menor de edad na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).

Magugunita na sa mga nakalipas na buwan ay nagpatupad ang mga alkalde sa Metro Manila ng general curfew mula alas-12:00 ng madaling araw hanggang alas-4:00 ng umaga sa harap na rin ng banta ng COVID-19.

Pero sa mga nakalipas na linggo ay nakakapagtala nang pagbaba sa bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19, dahilan para ihirit din ng ilang sektor ang pagbubukas ng mas marami pang establisyemento lalo pa ngayong papalapit na ang Pasko.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ni Abalos na pahahabain na rin ang operasyon ng mga mall simula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi simula Nobyembre 15.

Sa ngayon, ang Metro Manila ay nasa ilalim pa ng Alert Level 3 hanggang Nobyembre 14.