November 3, 2024

Crackdown, ilulunsad vs illegal loggers, miners

Maglulunsad umano ng crack down ang gobyerno laban sa illegal logging at illegal mining sa mga lugar na binaha bunsod ng pananalasa ng bagyo.

Una rito, sinisisi ng mga otoridad ang pag-abuso sa kalikasan na nakapagpalala sa sakunang naranasan nitong mga nakalipas na linggo.

Sa isang public press briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na nagbigay na ng direktiba si Interior Secretary Eduardo Año sa PNP na gawing prayoridad ang crackdown sa mga lalawigang sinalanta ng mga pagbaha.

“Si Secretary Año po ay nagbigay ng kautusan kay [Philippine National Police chief] Gen. Debold Sinas, ang pinuno ng Philippine National Police na mag-crackdown sa lahat ng uri ng illegal logging at illegal mining sa mga lugar na nasalanta ng bagyo partikular sa Cagayan, Isabela kahit na po sa Kabikulan dahil ito ang sinasabing dahilan [nung] unprecendented widespread flooding,” wika ni Malaya.

Kung maaalala, nakaranas ng lahar flow mula sa Bulkang Mayon ang ilang parte ng Bicol region, partikular sa Albay, sa kasagsagan ng pagtama ng Super Typhoon Rolly sa Luzon.

Habang ang mga probinsya ng Cagayan at Isabela ay nakaranas ng malawakang pagbaha, na sinisisi sa iligal na pagputol ng mga punongkahoy.

Kasabay nito, inilahad ng DILG na maglulunsad sila ng proyekto para sa mga local government units sa susunod na taon para hikayatin ang mamamayan na magtanim ng mga puno.

“‘Yung pagpapalakas sa national tree planting natin ang goal po nito ay makapagtanim ng 200 million trees at ang target po ni Año na masimulan ito next year. Maglalabas ng memorandum circulars para hikayatin ang malawakang tree planting in support of the national greening program mula sa barangay at pinakamataaas na antas,” ani Malaya.