December 25, 2024

CP ng Grab biker ini-snatch ng food delivery crew ng isang Korean resto

ARESTADO ang isang food delivery crew habang tinutugis ng pulisya ang kanyang kasabwat matapos umanong hablutin ang cellphone ng isang Grab food biker sa Malate, Manila.

Nahuli ng pulisya sa ilalim ng pamumuno ni P/ Lt. Col Micheal Garcia, Station Commander ng Manila Police District – Malate Police Station 9 ang kinilalang suspek na si Dennis Venus, 31, isang food delivery crew sa isang Korean Restaurant at nakatira sa Ilang Ilang Street, Barangay 137 Zone 15 sa Pasay City, sa tulong ng closed circuit television ng tatlong barangay.

Habang kinilala naman ang kanyang kasabwat na si John Paul Lara alyas “Jonjon Monyong ng P. Basilio Street sa Barangay 136 sa Pasay rin.

Kasong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code  (robbery-snatching) ang isinampa ng biktimang Mark Anthony Tirados, ng Intramuros, Manila.

Lumalabas sa naganap ang insidente dakong alas-1:00 ng hapon sa kanto ng Mabini Street at San Andres Street.

Nabatid na binagbatas ni Tirados lulan ng kanyang bisikleta nang hablutin ng mga suspek na sakay ng isang motorisklo ang kanyang cellphone na ginagamit niya sa kanyang trabaho.

Base sa kanyang reklamo, ni-review ni P/Lt/ Edwin Mapula, hepe ng Intelligence Section ang CCTV ng tatlong barangay kung saan dumaan ang mga suspek at base sa isinagawang follow-up operation at nakita si Venus sa harap ng Dackchic Go Korean Restaurant sa Jorge Bocobo Street sa Ermita.

Positibo siyang kinilala ng biktima matapos matandaan ang itim na Honda Zoomer X (NE 34185) na ginamit na get-away vehicle na nakapangalan sa isang Tommy Kim, may-ari ng nasabing restaurant kung saan nagtatrabaho ang suspek.