Pumapangatlo ang COVID-19 sa top killer ng mga Filipino sa 2021, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Makikita sa datos na inilabas ng PSA na ang ischaemic heart disease ang pinakaunang sanhi ng pagkamatay ng Pilipino sa 2021 na may bilang na 136,575 o 17.8 porsyento ng kabuuang dami ng mga pumanaw. Mas mataas din ito ng 29.7 porsyento kumpara sa 105,281 pagkamatay noong 2020, na kinakatawan ng 17.1 porsyento.
Pumangalawa naman ang cerebrovascular disease sa bilang na 74,262 kamatayan o 9.7 porsyento ng kabuuang kaso sa 2021, na may 15.3 porsyentong pagtaas mula sa 64,381 kaso o 10.5 porsyento ng kabuaang bilang ng pumanaw noong 2020.
Sinundan ito ng pagkamatay sa COVID-19 sa bilang na 74,008 sa bansa o 9.7 porsyento ng mga kaso sa 2021, mas mataas kumpara sa 9,316 pumanaw o 1.5 porsyento noong 2020.
Pumalo naman ang non-identified COVID-19 deaths sa 31,715 o 4.1 porsyento.
Subalit batay sa datos mula sa dashboard ng Department of Health, mayroon lamang 56,351 COVID-19 deaths, hanggang nitong Martes.
Nauna nang ipaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang hindi pagtutugma ay dahil sa validation process na isinasagawa ng DOH.
“Ang atin pong mga number of deaths kapag sinusumite sa ating reporting system, bina-validate po ng Department of Health,” aniya.
“Because our data is being cleaned, it is being validated, and whatever we report is exactly kung sino man po ‘yung namatay dahil talaga sa COVID at hindi incidental ang finding na COVID siya,” patuloy ni Vergeire.
Aniya pa, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa PSA upang magkatugma ang datos.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY