November 23, 2024

COVID-19 mobile testing centers, umarangkada na sa Maynila

PINANGUNAHAN nina Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice City Mayor Honey Lacuna ang paglulunsad ng COVID-19 Mobile Serology testing center sa Velasquez, Tondo at Pandacan sa Maynila ngayong araw. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

MATAPOS ang drive-thru at walk-in, inilapit naman nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang libreng COVID-19 testing sa mga barangay na may mataas na kaso ng virus.

Inilunsad ngayong araw nina Moreno at Lacuna ang bagong mobile serology testing sa dalawang barangay na may mataas na insidente ng COVID-19 na naiulat sa kanila.

Matagumpay na naisagawa ang paglulunsad ng Mobile Serelogy Testing sa Brgy. 97 sa ilalim ni Chairman Guillermo Saldana sa Nepomuceno Street sa Velasquez Tondo, District 1 at sa Bgy. 836 na sakop ni Chairman Paulino Sobreno sa Peter Paul Pandacan (dating Petron Oil Depot) sa 6th District.

May kapasidad itong sumuri ng 100 indibidwal kada araw ng libre.

Naglagay din ng mga tent ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles upang protektahan sa init o ulan ang mga residente.

Sinabi ni Moreno, tuloy-tuloy na nag-iikot ang mga mobile clinic testing truck sa mga barangay sa Lungsod ng Maynila.

Dagdag ng alkalde, ito ang unang hakbang tungo sa agresibong mass testing sa mga barangay na may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19.

Nangako si Moreno na hindi titigil ang lokal na pamahalaan upang humanap ng paraan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, at hiniling sa mga residente na palaging displinahin ang sarili sa pamamagitan ng pagsasanay sa lahat ng health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, palaging maghugas ng kamay at tamang distansiya.

“Gagawin namin ang lahat-lahat, pero hindi kami magtatagupay kapag ang tao ay nagpabaya sa sarili niya. Ang susi ng tagumpay nasa tao, dahil ang virus ay hindi naglalakad. Ang tao ang naglalakad, ang tao ang nagpaparami. Kapag iyon nilagay niyo sa inyong isipan, tingin ko tayo’y mag-iingat,” paalala niya.