May 18, 2025

Costume maker, nalantad ang madilim na nakaraan; Nahuli sa 6 na kaso ng panggagahasa

Maynila — Matapos ang halos dalawang dekada ng pagtatago, tuluyang nadakip ng mga operatiba ng Manila Police District – Warrant Section ang isang 56-anyos na costume maker na may anim na kasong panggagahasa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas pa noong 2002.

Kinilala ang suspek na si Alex Alfonso, residente ng No. 351 R1 Pilapil St., Brgy. 66, Zone 6, Tondo, Maynila. Arestado siya sa isang operasyon sa Maya Street, Tondo dakong 11:40 ng umaga kamakailan.

Ayon sa mga pulis, matagal nang nagtatago si Alfonso sa batas, at sa loob ng 22 taon ay patuloy itong umiwas sa pananagutan. Ngunit sa huli, naaresto rin siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Gregorio Sampaga ng Regional Trial Court, Branch 78, Malolos, Bulacan noong Agosto 21, 2002. Walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Sa ngayon ay nakakulong na si Alfonso sa custodial facility ng MPD Warrant Section at inaasahang ililipat sa korte kung saan nag-ugat ang kanyang kaso para sa kaukulang paglilitis.

Patuloy ang paalala ng pulisya na walang takas sa batas at darating din ang araw ng paniningil sa mga nagtatago sa likod ng kasalanan. (ARSENIO TAN)