December 26, 2024

COPA Reunion Swim Challenge hataw na sa RMSC Aquatics Center

IPINAHAYAG ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) ang partisipasyon ng mas maraming mahihirap na estudyante mula sa mga pampublikong paaralan sa 3rd leg Reunion Swim Challenge na kakampay ngayon at bukas (Oktubre 22-23) sa Olympic-sized Teofilo Ildefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.

Sinabi ni tournament director Chito Rivera na dumoble  ang bilang ng mga kalahok mula sa mga nakaraang legs dahil sa partisipasyon ng mas maraming pang miyembrong swimming club at organisasyon gayundin ang mga estudyante mula sa mga pampublikong paaralan para sa huling leg ng three-series meet katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC), Speedo at MILO.

“From 300 in previous leg, this weekend aabot tayo sa 400 plus sa dami ng nagpapalistang estudyante mula sa public schools. Ito ay bunga ng programa ng COPA na makipagtulungan sa mga local government units at sa Department of Education para sa kapakanan ng mga public-school students na makasama sa main stream swimming community,” ani Rivera, ang head coach din ng Jose Rizal University varsity team.

Sinabi ni COPA co-founder at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain na masaya siya sa mga kaganapan sa grassroots swimming community dahil ang pagkakataon na maging bahagi ng elite swimming tungo sa hinahangad na Philippine Team ay hindi na lamang sa mga atleta na kabilang sa pribadong clubs at asosasyon.

“Walang exclusivity sa paglangoy o sa anumang sports. Kailangan nating buksan ang pintuan ng oportunidad para sa lahat. Mas marami tayong madevelop na talent, mas makabubuti sa ating bansa We have to give chance to those who are not part of the organizations, clubs or associations,” sambit ng multi-titled Philippine Sports Hall-of-Famer.

Ang libreng programa ng pakikilahok ng COPA para sa mga mahihirap na estudyante ay nagsimula noong nakaraang buwan sa ginanap na Novice Swim Championship.

“Tuloy-tuloy ito. Naka-ready na rin yung programa namin na ‘Train the Trainers’ para sa ating mga teachers. For this, masisigurado natin sa PE pa lang, well train na ang mga teachers natin na magiging coach din,” ani pa Buhain.

Ipinaabot din ni Buhain ang kanyang pasasalamat kay PSC Chairman Noli Eala sa suporta at pagpayag na makapasok ang mga kalahok, magulang at gabay sa RMSC na hindi na kailangang sumasailalim sa antigen testing.

“Mas maraming batang swimmers ang nakikilahok dahil sa desisyon ni PSC Chairman Noli Eala na i-relax yung regulation sa anti-gen. All-out support ang ating PSC Chairman kaya nagpapasalamat tayo,” added Buhain.

Ang natitirang tatlong grassroots sports event ng COPA ngayong taon ay nakatakda rin sa RMSC. Samantala, ang lahat ay nakatutok kay Nicola Queen Diamante, Andreana Isabel Mirandilla, Lance Jacob Bautista at Ivoh Gantala na pawang tinaghal na ‘most prolific swimmers’ sa mga nakaraang torneo ng COPA.