December 25, 2024

CONSTRUCTION WORKER UTAS SA PAMAMARIL NG NA-DISMISS NA PULIS

Dedbol ang isang construction worker matapos barilin ng kanyang dating kapitbahay na isang na-dismiss na pulis na may matagal na umanong itinanim na galit sa biktima sa Valenzuela city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktima na si John Kenneth Tamba, 25 ng Evangelista St., Brgy. Arkong Bato.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kasong Murder at R.A. 10591 o ‘Comprehensive Firearms and Ammunition Regular Act’ ang suspek na kinilalang si Richard Brian Julongbayan, 33, dating pulis na may ranggong patrolman at residente ng Cuadra St., Coloong 1 ng lungsod.

Sa report ni PSSg Laude Pillejera kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-8 ng gabi nang barilin ng suspek ang biktima sa mismong bahay nito sa Evangelista St. na nagresulta ng agaran nitong kamatayan sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek subalit, kaagad naman itong naaresto sa follow-up operation ng pinagsamang mga tauhan ng Station Investigation Unit sa pangunguna ni PLT Robin Santos, Sub-Station 5, Detective Management Unit, SWAT, Station Intelligence Branch, katuwang ang tanggapan ng Barangay Arkong Bato sa pamumuno ni Kapitana Cristina Marie Feliciano.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .40, isang magasin na may 11 bala, at isang holster.