March 26, 2025

Construction worker, tinubo sa ulo ng katrabaho

SUGATAN ang 37-anyos na construction worker nang hampasin sa ulo ng tubo ang kasamahan sa trabaho matapos ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Nadakip kaagad ng mga nagrespondeng tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan ang suspek na si alyas “Cesar”, stay-in sa construction site sa Estanio St. Brgy. Tugatog habang isinugod naman sa Tondo Medical Center para lapatan ng lunas ang biktimang si alyas “Ronie”, 45, ng Bicol Area St. Brgy. Tanza 2.

Sa ulat ni Col. Baybayan kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima at isa pa nilang kasamahan na si alyas “Maximo”, 26, sa kasagsagan ng kanilang pag-iinuman sa construction site dakong alas-11:30 ng gabi.

Dumampot ng bakal na tubo ang suspek at hinataw sa ulo si alyas Ronie na duguang napahandusay at isusunod sanang hatawin si alyas Maximo na nakatakbong palabas para humingi ng saklolo.

Nagkataong nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-2 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa bakal na tubo, habang isinugod naman ng mga dumating na tauhan ng Malabon Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima sa pagamutan.

Kasong frustrated homicide at threat ang kakaharaping kaso ng suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.