July 2, 2025

Construction worker na nanloob sa bahay ng birthday celebrant sa Antipolo, kalaboso

ANTIPOLO CITY — Imbes na saya, disgrasya ang inabutan ng isang pamilya sa Loremar Homes 2, Barangay San Roque, matapos silang looban ng magnanakaw habang nasa birthday celebration ng ama ng tahanan.

Ayon sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), bandang 2:55 ng madaling-araw ng Hunyo 30, nadiskubre ng pamilya ni David Golla, 60 anyos, na napasok at nilooban ang kanilang bahay habang sila’y wala roon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa isang event place.

Pagbalik sa bahay, napansin ng anak ng biktima na wasak ang bintana sa second-floor comfort room at may nakasandal na steel ladder na pinaniniwalaang ginamit ng suspek para makapasok. Sa pag-inspeksyon sa loob ng bahay, natuklasan nilang nawawala ang mga mahahalagang gamit kabilang ang Glock 9mm service firearm na may serial number NBI403; Samsung A06 cellphone; mga gintong alahas na tinatayang nagkakahalaga ng ₱35,000; at ₱20,000 cash

Sa tulong ng CCTV ng kapitbahay, isang lalaki na nakasuot ng itim-berde-puting jersey ang namataan na kumukuha ng hagdang bakal. Sa tulong ng mga kasamahan sa trabaho, positibong kinilala ang suspek na si alyas Danilo, 28 anyos, construction worker mula Marilao, Bulacan.

Agad na nagtungo ang mga imbestigador sa kanyang pinagtatrabahuhang construction site at narekober sa paligid ng kanyang tulugan ang mga ninakaw na gamit. Ang pag-rekober ay nasaksihan nina Ronnie Raguro at Sherwin Trabahales, mga stay-in workers sa lugar.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Antipolo Custodial Facility at nahaharap sa kasong robbery.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna nina Pat. Enrique Red Jr. at Pat. Ariel A. Galas.

Ang simpleng birthday celebration ay nauwi sa trahedya at takot, ngunit dahil sa mabilis na aksyon ng pulisya, muling nabawi ang mga gamit at naaresto ang suspek — isang paalala na sa gitna ng kasayahan, mahalagang tiyakin pa rin ang seguridad ng tahanan.