December 25, 2024

CONSTRUCTION NG NAVOTAS CONVENTION CENTER, SINIMULAN NA

INANUNSYO ni Navotas City lone district Congressman John Rey Tiangco na sinisimulan na ang construction ng Navotas Convention Center (NCC) kasunod ng ground breaking ceremony noong November ng nakaraang taon.

Ani Rep. Tiangco, ang three-story NCC building na matatagpuan sa kahabaan ng Road 10, Brgy. Bagumbayan South, malapit sa Navotas Centennial Park ay maghahatid ng mas maraming oportunidad pangkabuhayan para sa mga Navoteño.

Ayon naman kay Mayor Toby Tiangco, sakaling makumpleto ito, ang Navotas ay magkakaroon ng sentro ng bulwagan na maaaring gamitin para sa pagpupulong, pagidiriwng at iba pang activities na may kaugnayan sa kabuhayan, turismo, edukasyon at malalaking events tulad ng sports at iba pa.

Ang first floor ng gusali ay ilalaan para sa indoor at outdoor parking habang ang second floor ay magkakaroon ng 10 function rooms na kayang tumanggap ng hanggang 700 individuals, anim na opisina at dalawang cafeteria.

Ang third floor ay magkakaroon ng standard-size na basketball court na may 4,225 seating capacity para sa mga manonood ng mga games o anumang iba pang events. Naglagay din ng elevator para magamit ng mga taong may kapansanan, mga senior citizen at mga buntis.

 “Maliit man ang land area ng Navotas, makatitiyak kayo na patuloy natin itong tatayuan ng mga world class na imprastraktura at pasilidad,” ani Mayor Tiangco.

Ang construction ng NCC, ayon kay Cong. Tiangco, ay buhat sa pakikipagtulungan ng pamahalaang Lungsod ng Navotas, Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng kanyang tanggapan sa House of Representatives.

“Sa pagpapatayo ng NCC, mas marami pang magbubukas para sa kabuhayan at trabaho para sa mga kababayan nating mamamayan. Balakid man ang pandemya sa ating mga plano, hindi tayo mapipigil sa pagpapataas ng antas ng buhay ng bawat Navoteno,” ani Rep. Tiangco.