November 23, 2024

CONG. TOBY NAGPASALAMAT SA DBM SA PAG-RELEASE NG OVERDUE 4Ps GRANTS

PINASALAMATAN ni House Committee on Appropriations Vice Chair at Navotas City Representative Toby Tiangco ang Department of Budget and Management (DBM) para sa pag-apruba sa pagpapalabas ng overdue cash grants sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.

“Malaking tulong po sa ating mga kababayan ang dagdag na budget na ito para sa mga 4Ps beneficiaries. Pinapakita lamang nito na seryoso ang administrasyong Marcos sa pagbibigay serbisyo at tulong sa ating mga kababayang nangangailangan,” sabi ni Cong. Tiangco.

“Umaasa po tayo na magiging tulay ang karagdagang pondong ito para mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan ng ating 4Ps program,” dagdag niya.

Suportado din ng Navotas solon ang pag-apruba ng pondo para sa ayuda sa panukalang 2025 budget na nagsasabing mahalaga ang maayos na pagpapatupad ng assistance programs para sa mahihirap at vulnerable sectors sa bansa.

“Gaya ng lagi kong sinasabi, suportado po natin ang pagpasa nang buo ng pondo para sa mga social programs ng ating pamahalaan,” aniya.

“Bukod dito, kailangan nating pag-aralan kung papaano pa natin mapapalawak ang iba’t-ibang cash aid programs para mabigyan ng karampatang pondo ang mga programang makakapag-angat sa kanila sa kahirapan,” dagdag niya.

Inihayag ng DBM na ang P5 bilyong dagdag pondo ay kukunin sa Continuing Appropriations of Fiscal Year 2023 na gamitin para masakop ang mga atraso ng FY 2023 4Ps grants na nagresulta ng deactivation/suspension ng 4Ps beneficiaries na umabot sa 703,888.