January 23, 2025

Cong. Tiangco suportado ang National Flood Control Plan

NAMAHAGI si Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ng frozen Galunggong sa lahat ng pamilya sa Lungsod ng Navotas, lalong-lalo na sa mga lugar na higit na napinsala ng bagyong Carina at apektado ng nasirang Navigational Gate sa Tanza. Pinasalamatan din nila ang lahat ng barangay captains, mga kawani at mga volunteers dahil sa panahon anila ng sakuna nagtulungan ang lahat para madaling makaahon. (JUVY LUCERO)

NAGPAHAYAG ng kanyang suporta si Navotas City Rep. Toby Tiangco sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos na lumikha ng National Flood Control Plan makaraan ang pinsalang idinulot ng malawakang pagbaha na dulot ng bagyong Carina sa Kamaynilaan at mga rehiyon sa Luzon.

Sinabi ni Cong. Tiangco na ang paglikha ng national flood control plan ay epektibong paraan ng pagkontrol ng baha para matiyak ang proteksyon ng mga Pinoy sa malawakang pagbaha na sagabal sa pang-araw-araw ng buhay at malaking pinsala sa mga ari-arian.

Kailangan aniya sa mga ahensiya tulad ng DPWH na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalan sa paglikha ng National Flood Control na plano upang masukat ng husto ang panganib sa mga lokal na pamahalaan para mapigilan na ang kahalintulad na kalamidad.

Binigyang diin ni Rep. Tiangco na kailangan ang pagkakaunawaan upang matukoy kung may panganib na idudulot ang mga gagawing imprastraktura ng sa gayon ay maiwasan ito.

Nauna ng hinimok ng kongresista ang mga Navoteños na iwasan ang walang patumanggang pagtatapon ng basura matapos matuklasan na walo sa kanilang 81 bombastik pumping stations ang hindi gumada dahil sa mga nakabarang mga basura.

“Palagi kong sinasabi na kahit na pinakamahal na toilet bowl, tapunan mo ng plastic at kung ano-ano ay magbabara. Kailangan din kaisa natin ang mga residente at komunidad sa pagkilos para siguruhing maayos ang pagtatapon ng basura dahil nakaka-apekto rin ito sa mga pumping stations,” sabi pa ni Tiangco.

“Sinabi na rin ito ni President Bongbong noong bumisita s’ya sa Navotas kamakailan lang. Importante ang maayos na pagtatapon ng basura para masiguro na hindi masira ang mga pumping stations,” dagdag pa niya.

Nauna ng nagsagawa ng inpeksiyon sina Pangulong Marcos at Speaker Martin Romualdes sa nasirang Tangos-Tansa Navigational Gate at namahagi pa ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo.

Kapuwa nangako ang dalawa na aatasan ang DPWH na bilisan ang pagkukumpuni sa nasirang flood gate na sanhi ng malawakan at malalim na pagbaha sa lungsod. (JUVY LUCERO)