December 28, 2024

CONG. TIANGCO NAGPAALALA SA KALIGTASAN NG MGA BATA SA PAPUTOK

NAGPAALALA si Navotas Representative Toby Tiangco sa publiko na sundin ang mga regulasyon ng kanilang lokal na pamahalaan sa paggamit ng paputok sa darating na Bagong Taon.

Ang paalala na ito ay kasunod ng ulat Department of Health na aabot 43 indibidwal sa buong bansa ang nagtamo ng mga pinsalang may kaugnayan sa paputok mula  December 22 hanggang 25.

Sa Navotas, apat ang nagtamo ng minor injuries, kabilang ang dalawang batang edad 7 at 9.

“Nakakalungkot dahil karamihan ng mga naaaksidente sa paputok ay mga bata. Ayon sa report ng DOH, 20 sa mga naaksidente ay mga kabataang may edad na 19 pababa,” ani Tiangco.

“Nanawagan po tayo sa lahat na sumunod sa pamantayan ng ating mga LGUs at maging responsable sa paggamit ng paputok,” dagdag niya.

Nanawagan din ang kongresista sa Philippine National Police (PNP) na palakasin ang kanilang pagsisikap laban sa pagbebenta ng mga ilegal na paputok, partikular ang mga ibinkbentang online.

“Madiskarte na rin ang mga nagbebenta ng ilegal na paputok. Ang ilan, nagbebenta na rin online kaya dapat itong bantayan nang maigi ng ating kapulisan,” pahayag ng konresista.

“Magtulungan po tayo. Sa pangunguna ng kapulisan at ng mga LGUs, hinihimok ko po ang lahat na sumama sa pagmonitor at pag-report ng mga gumagamit at nagbebenta ng mga iligal at ipinagbabawal na paputok,”dagdag niya.

Ayon sa PNP, ang mga ilegal na paputok ay kinabibilangan ng Piccolo, Super Lolo, Atomic Triangle, Large Judas Belt, Large Bawang, Pillbox, Bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Coke In Can, Atomic Bomb, Five Star, Pla-Pla, Giant Whistle Bomb, Goodbye Napoles, Hello Columbia, Goodbye De Lima, Super Yolanda, Kingkong, Goodbye Bading, Kabasi, Hamas at Watusi.