June 22, 2025

Cone, Ginebra Handa sa Matinding Laban vs SMB sa Semis

San Miguel Beer ang sukatan at nananatiling pinakamalakas sa Philippine Cup—iyan ang pananaw ni Barangay Ginebra head coach Tim Cone sa pagharap nila sa Beermen sa nalalapit na semifinals ng PBA 49th Season.

Alam ni Cone na hindi magiging madali ang laban para makapasok sa kanilang ikatlong sunod na Finals appearance. “Sabi nga namin, kung gusto mong manalo sa All-Filipino, kailangang madaanan mo ang San Miguel. Sa quarters man, semis, o finals, kailangang mapagtagumpayan sila para may tsansang manalo ng kampeonato,” wika ni Cone matapos talunin ng Ginebra ang Converge, 88-80.

Bagamat hindi naka-advance ang SMB sa Commissioners Cup at nagkaroon ng coaching change mula kay Jorge Gallent pabalik kay Leo Austria, ibang usapan ang All-Filipino kung saan nananatiling dominanteng koponan ang Beermen sa likod ng kanilang ‘Death 5’ lineup, pinangungunahan ng kasalukuyang Best Player of the Conference na si June Mar Fajardo.

“Wala akong nakikitang malaking pagbabago. Nandiyan pa rin sina Marcio at Ross. Malalaking beterano sila na sanay na sa laro at sa isa’t isa,” dagdag pa ni Cone.

Pinuri rin niya ang liderato ng mga beterano, na kanyang naranasan sa Asian Games. Bukod pa rito, may dagdag pang depth ang San Miguel ngayong may CJ Perez, Don Trollano, Jericho Cruz, at Juami Tiongson na isang mahusay na karagdagan bilang “spacing” player.

“Si Juami ay swak sa istilo ni June Mar—parang si Alex Cabagnot na nagso-space sa labas para sa team,” ani Cone.

Hindi naman nangangamba si Cone sa kakayahan ng Ginebra, ngunit naniniwala siya na nananatiling dominanteng puwersa ang San Miguel, lalo na sa pagbabalik ni Leo Austria bilang head coach matapos ang dalawang taon na pamamahala ni Gallent.

“Maraming tagumpay si Leo sa paraan ng kanyang coaching. ‘If it ain’t broke, why change it?’ Hanggang ngayon, walang nakapagtala ng consistent na panalo laban sa San Miguel sa All-Filipino,” paliwanag ng beteranong coach.

“At iyan ang landas na kailangang tahakin ng Ginebra para makarating sa Finals,” pagtatapos ni Tim Cone. (RON TOLENTINO)