NANAWAGAN ang nagtatag ng community pantry sa mga detractor na huwag “patayin” ang diwa ng pagbibigayan.
Nagpasya kasi si Ana Patricia Non na isang araw munang ihinto ang Maginhawa community pantry matapos siyang mai-red-tag at para matiyak na rin ang kaligtasan ng mga volunteer.
Pero magpapatuloy pa rin ito sa Miyerkoles dahil siniguro ni Mayor Joy Belmonte na walang mangyayari sa kanilang masama.
“Wag nating patayin ‘tong pagtutulong-tulong nating mga Pilipino kasi maraming pamilya yung may naiuulam sa gabi…Yayain ko nalang po kayong pumunta sa pantry para mapakinggan niyo po yung mga kwento.. Pakinggan po natin yung mga kwento nila kasi hindi po isolated case yung kahirapan,” ani ni Non sa isang Zoom call kasama ang mga reporter.
“Gusto ko po sanang humingi ng pasensya po sa mga pumila kaninang umaga. Yung mga pumila po, kahit alas-tres pa sila ng umaga nandun, hindi po sila nakapag-uwi ng goods para sa kanilang pamilya. Pasensya na po sa inyo sana po magkasya yung mga nakuha natin kahapon,” saad niya.
Saad din niya na patuloy pa rin ang pagbuhos ng donasyon. Kahit isang araw lamang nahinto ang pantry, masakit aniya na isipin kung gaanong karaming pamilya ang matutulungan nila para makapag-uwi ng pagkain sa kanilang mga lamesa.
“Magko-continue naman po yung community pantry. I-resolve nalang po muna natin mga issue natin sa red-tagging, security po. Kapag nagpatuloy ‘to, safe na safe po tayo lahat,” aniya.
“Masakit kasi natigil kahit isang araw lang kasi isipin mo ilang pamilya..Ilang meals sana yung maihahanda ng community pantry,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kaugnay sa umanoy pag-link sa kanya sa komunista, sagot ni Non: “Last thing na kailangan ko explain sa mga tao is kung ano ako, sino ba ako, kasi ang malinaw ang intensyon ko — gusto ko lang naman magsetup ng community pantry at makakain yung mga tao, pantawid gutom.”
“So between me and other people na nagkulang ng response, tingin ko hindi po ako yung dapat nag-e-explain kung ano ba ako or sino ba ako,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Non na kahit inaakusahan siya bilang dating student leader ng University of the Philippines ay nanawagan pa rin ito na itigil na ang red-tagging.
“Kung gusto po nila itigil yung community pantry at ipagpatuloy yung red-tagging, sige po gawin niyo pero kaya niyo po ba pakainin and bigyan ng sapat na tulong yung mga taong ‘to? Kasi kung hindi po kayo tutulong, wala po kayong maiaambag sa mga tao, hindi niyo po sila kikilalanin, mas mabuti nalang pong wag tayo magsalita ng mga ganitong bagay kasi ilang pamilya po naapektuhan hindi po ako eh,” saad niya.
Aniya pa kahit alam niya na may ginagawa ang gobyerno, sa tingin niya ay hindi pa rin ito sapat.
“Kasi hindi naman pipila yung tao nang mahaba kung sapat na yung nakukuha nila”, wika niya.
Iginiit din ni Non na imbes na i-red-tag ang mga organizer ng community pantry bakit hindi na lamang nila bisitahin at kausapin ang mga taong pumipila para malaman nila ang pangangailangan ng publiko.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE