December 25, 2024

COMIC STRIP CREATOR AT FILMMAKER CARLO J. CAPARAS PUMANAW NA, 80

SUMAKABILANG-BUHAY na ang award-winning director at comic strip creator na si Carlo J. Caparas sa edad na 80.

Kinumpirma ni Peachy Caparas ang pagpanaw ng kanyang ama sa isang social media post na may titulong Sa Bawa’t Tipa Ng Makinilya: An ode to Direk Carlo J.” ngayong araw. Hindi sinabi ang sanhi ng  pagpanaw nito.

Narito ang full post ni Peachy:

“Halos umaga na, sa libliban ng Ugong isang makinilya, pilitang binabasag ang katahimikan roon.

“Isang mananalaysay ng kwento ng buhay, nilalabanan ang antok, nagsusunog ng kilay.

“Sa kanyang taglay na brilyo mga obra maestrang nobela kanyang nabuo.

“Panday, Pieta, Elias Paniki, Bakekang, Totoy Bato ang ilan lamang sa mga ito.

“Sa larangan ng komiks siya ang naghari, naging bahagi ng kultura, naging yaman ng lahi.

“Umabot sa lona ng pinilakang tabing, hinangaan, pinalakpakan ng bayang magiting.

“Subalit buhay ay sadyang may wakas…

“Pack up na Direk”. Oras na ng uwian.

“Hayaang kasaysayan ang humusga sa iyong mga obra.

“Salamat Direk Carlo J. sa mga dibuho at istorya.

“Mga istoryang nabuo sa bawat tipa ng iyong makinilya…

“Carlo J. Caparas

“1944 – 2024

“Dad, you will forever be loved, cherished, and honored…by all of us. “Love, The children of a King”

Inanunsiyo ni Peachy na ang burol ng kanyang ama ay magsisimula bukas, Mayo 27, 2024, mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-12 ng hating-gabi, sa Golden Haven Memorial Chapels and Crematoruim sa Villar Sipat, C5 Extension Road, Brgy. Manuyo Dos. Las Piñas. Ang pangalan ng chapel ay Conservatorio II.