November 18, 2024

COMELEC NAGKAMALI SA PAG-DISQUALIFY SA SMARTMATIC – SC

Posibleng habulin ngayon at kasuhan ng kompanyang Smartmatic ang Commission on Elections (COMELEC) matapos silang i-disqualify para maging service provider sa 2025 midterm elections.

Ito ay matapos katigan ng Korte Suprema ang Smartmatic at sinabing “grave abuse of discretion” ang ginawang disqualification.

Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, pwede na rin sumali sa mga susunod na halalan ang Smartmatic dahil limitado lang sa 2025 elections ang kaso maliban kung may panibagong disqualification na ihahain laban sa kanila.

Nilinaw naman ng SC na kahit kinatigan ang Smartmatic ay hindi pwedeng ipawalang bisa ang pag-award ng kontrata sa Miru Systems Inc. na napiling election provider sa halalan sa susunod na taon.

Samantala, wala pang pahayag ang COMELEC kung aalisin na sa ban ng ahensiya ang Smartmatic dahil sa desisyon ng Korte Suprema.