April 25, 2025

COMELEC, Inaprubahan ang Exemption ng P20/kilo Rice Project sa Election Spending Ban

MANILA — Inaprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang hiling ng Department of Agriculture (DA) na hindi mapasama sa election spending ban ang P20 kada kilo na rice project nito, ilang linggo bago ang May 12 elections.

Sa ilalim ng Comelec Memorandum No. 25-07984, pinayagan ang DA na gamitin ang P5-bilyong pondo para sa subsidized rice program kahit umiiral ang 45-day public spending ban na nakasaad sa Section 261 (v)(1) ng Omnibus Election Code.

Bagaman inaprubahan ang exemption, nilinaw ng Comelec na hindi ito nangangahulugang hindi na ito maaaring imbestigahan sakaling may lumabag sa Section 261 (o) ng OEC kaugnay ng pamimigay ng benepisyo para sa halalan.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kailangang kumuha ng hiwalay na certificate of exemption ang mga local government units (LGUs) na balak ibenta sa mas murang presyo ang bigas mula sa programa.

“Hindi porke’t exempted na ang DA at NFA, automatic exempted na rin ang LGU. Kailangan pa rin nilang humingi ng hiwalay na approval,” ani Garcia.

Bukod dito, ipinag-utos ng Comelec na ang pamamahagi at pagbebenta ng murang bigas ay dapat gawin sa mga pampublikong lugar at dapat hayaan ang media, civil society at iba pang grupo na magkaroon ng malayang access sa mga aktibidad.

Matatandaang nauna nang inaprubahan ng Comelec ang exemption para sa ilang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program. Gayundin, pinayagan na rin ang pagpapatuloy ng ilang infrastructure projects mula pa noong Disyembre 2024.

Ang election spending ban ay epektibo mula Marso 28 hanggang Mayo 11, 2025.