March 4, 2025

COMELEC IBINASURA DQ CASE VS TULFO FAMILY



Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification case na inihain ng isang Vergilio Garcia laban kina Senatorial Candidate Erwin Tulfo, Ben Tulfo, dating Secretary Wanda Tulfo, ACT-CIS Party List Representative Jocelyn Tulfo, at Quezon City Rep. Ralph Tulfo.

Nitong Martes, Marso 4, nagpasya ang COMELEC na ang petisyon ay “kulang sa pormalidad” dahil sa kabiguang isama ng naghain ng kaso ang mga certificate of candidacy (COC) ng mga respondent, na isang kinakailangang dokumento ayon sa COMELEC Resolution 11046.

Binigyang-diin ng COMELEC na ang COCs ay patunay na opisyal na kandidato ang mga respondent.

“Mahalaga ang mga dokumentong ito upang maayos na mapatunayan ang mga impormasyong nakasaad sa petisyon,” ayon sa desisyon ng COMELEC.

Ipinaliwanag naman ni COMELEC Chairperson George Garcia sa mga mamamahayag na ang COCs ang batayan upang magkaroon ng hurisdiksyon ang COMELEC sa kaso at sa mga kandidato.

“Ang abiso ay isang paraan upang makuha ng COMELEC ang hurisdiksyon sa isang tao. Paano natin matitiyak na natanggap nila ang kopya ng petisyon? Paano natin sila obligahing sumagot o mag-isyu ng summon?” ani Garcia.

Nilinaw ni Garcia na hindi permanente ang pagkakabasura ng kaso at maaari pa ring gumamit ng legal na remedyo ang naghain ng petisyon, si Atty. Virgilio Garcia, tulad ng pagsasampa ng motion for reconsideration o muling paghahain ng petisyon kasama ang mga kinakailangang dokumento.

“Ang dismissal ay hindi nangangahulugang tapos na ang kaso. Nasa petisyuner kung nais niyang ituloy ang anumang legal na hakbang,” sabi ni Garcia.

Hinimok din niya ang mga susunod na petisyuner na tiyaking kumpleto ang kanilang isusumiteng dokumento upang maiwasan ang dismissal dahil lamang sa teknikalidad at upang ang kaso ay mapagdesisyunan batay sa merito nito.

Larawan mula sa ABS-CBN