May 10, 2025

COMELEC Ibinasura ang Disqualification Case Laban kay Atty. Ian Sia

Pasig City – Isang positibong balita ang ibinahagi ngayong araw ni Atty. Ian Sia, kandidato sa pagkakongresista ng Pasig, matapos ibasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang petition for disqualification na inihain laban sa kanya.

Sa isang opisyal na pahayag, ipinaabot ni Sia ang kanyang pasasalamat sa COMELEC sa mabilis nitong aksyon, na aniya’y magsisiguro na ang darating na halalan sa Mayo 12 ay itutuon sa tunay na mga isyu at plataporma ng mga kandidato.

“Para po tayong nabunutan ng malaking tinik,” ani Sia.

“Masakit po ang naging paratang, lalo na’t alam ng mga nakakakilala sa akin na buong puso ko pong ipinaglalaban ang karapatan at kapakanan ng kababaihan—isa sa mga sektor na matagal ko nang pinaglilingkuran.”

Bagamat ibinasura na ang kaso,k iginiit ni Sia na hindi niya minamaliit ang epekto ng isyu sa publiko.

Aniya, ang buong karanasan ay nagsilbing aral at paalala para sa kanya na mas pag-ibayuhin pa ang kanyang serbisyo, maging mas maingat sa pananalita, at mas lalong pahalagahan ang dignidad ng bawat sektor ng lipunan.

Nagpasalamat din siya sa kanyang mga tagasuporta na hindi umano bumitiw sa kabila ng mga batikos.

“Hindi po kayo nawala. Bagkus, kayo pa ang naging lakas ko para ipagpatuloy ang laban para sa kaunlaran ng Pasig at ng bawat Pasigueño,” dagdag niya.

Si Atty. Ian Sia ay dating konsehal ng Pasig at isa sa mga matunog na pangalan sa pagka-kongresista ng lungsod ngayong darating na halalan.