May 12, 2025

COMELEC: EU OBSERVERS PINAYAGANG PUMASOK SA PRESINTO, PERO BAWAL HABANG MAY BOTOHAN

MANILA — Isang araw bago ang halalan, inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na papayagan ang mga election observers mula sa European Union (EU) na makapasok sa mga polling precincts—ngunit hindi habang may aktwal na pagboto.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, malinaw ang naging kasunduan: bawal ang dayuhang tagamasid habang bumoboto ang taumbayan upang maiwasan ang anumang hinala ng panghihimasok o impluwensya.

“Hindi natin sila pinapayagang pumasok sa loob habang may botohan. Kapag wala nang botante, o bago pa magsimula ang pagboto, maaari na silang pumasok nang walang restriksyon,” ani Garcia sa panayam sa Manila Hotel Tent City, kung saan gaganapin ang canvassing ng mga boto.

Nagsimula na ring magdatingan ang mga foreign observers: 72 long-term at 104 short-term observers mula sa EU-Election Observation Mission (EU-EOM) ay idineploy sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa. Bukod sa EU, may 52 pang international observers mula sa mga bansang tulad ng Russia, Taiwan, Papua New Guinea, at Thailand. Nasa 60 rin ang mga kinatawan mula sa Estados Unidos.

Nilinaw rin ni Garcia na kahit ang mga lokal na watchers ay hindi rin agad-agad nakakapasok sa mga silid-aralan na nagsisilbing presinto, kaya’t hindi patas kung biglang papapasukin ang mga banyagang tagamasid habang bumoboto ang publiko.

“Masikip na nga minsan sa loob, kahit ‘yung mga regular watchers ay nasa labas pa. Kaya hindi rin natin puwedeng bigyan ng espesyal na pribilehiyo ang mga banyaga sa oras ng halalan,” dagdag pa ni Garcia.

Tinanggap naman ng EU-EOM ang naturang limitasyon at nagpasalamat pa umano sa Comelec sa ipinakitang flexibility. “Wala kaming naging problema sa kanilang pagtanggap sa regulasyon. Naiintindihan nilang ito ay bahagi ng batas at ng ating soberanya,” ani Garcia.

Nagsisimula ang pagboto alas-5:00 ng umaga para sa priority sectors gaya ng senior citizens at persons with disability, habang ang regular na botohan ay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.

Sa harap ng lahat ng ito, nananawagan ang Comelec sa publiko na maging mapagmatyag at sumunod sa mga patakaran upang mapanatili ang kaayusan at integridad ng eleksyon.

“Ang tunay na tagumpay ng halalan ay nasusukat hindi lang sa dami ng bumoto kundi sa tiwala ng taongbayan sa buong proseso,” pagtatapos ni Garcia.