June 19, 2025

Comelec division idineklarang panalo si Abante sa Manila 6th District

Pormal nang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na si Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang opisyal na nanalong kongresista ng ika-6 na Distrito ng Maynila matapos mapawalang-bisa ang certificate of candidacy (COC) ng katunggaling si Luis “Joey” Chua Uy.

Sa desisyong inilabas ng Comelec Second Division nitong Miyerkules, kinilala si Chua Uy bilang isang “naturalized” at hindi “natural-born” Filipino citizen—isang mahalagang kwalipikasyon para sa pagtakbo bilang mambabatas batay sa Konstitusyon.

Ayon sa Comelec, si Chua Uy ay isinilang noong Marso 15, 1962 sa mga magulang na parehong banyaga sa panahong iyon. Ang kanyang ama ay isang Chinese citizen na naging naturalized Filipino lamang noong Agosto 28, 1967, habang ang ina niya ay Filipino citizen bago pa man ang kanilang kasal noong 1944.

“Dahil dito, hindi maituturing na natural-born Filipino si Chua Uy sapagkat hindi siya naging mamamayang Pilipino mula sa pagsilang at kinailangang sumailalim sa legal na proseso para makuha ang kanyang pagiging mamamayan,” ayon sa Comelec ruling.

Ginamit ni Chua Uy ang kanyang Identification Certificate mula sa Bureau of Immigration bilang patunay ng kanyang pagiging Filipino, subalit sinabi ng Comelec na ito ay ebidensiya na siya ay naging mamamayan hindi sa pamamagitan ng birthright kundi dahil sa naturalisasyon ng kanyang ama.

Dahil dito, sinabi ng Comelec na si Chua Uy ay gumawa ng “material misrepresentation” sa kanyang COC — isang mabigat na paglabag sa ilalim ng Omnibus Election Code.

“Ang kanyang deklarasyon ay taliwas sa batayang kwalipikasyon sa ilalim ng Saligang Batas. Kaya naman hindi siya kuwalipikadong tumakbo o manungkulan bilang kasapi ng House of Representatives,” dagdag ng Comelec.

Bilang epekto ng desisyon, itinuturing nang “non-candidate” si Chua Uy at ang lahat ng boto para sa kanya ay “stray votes” o hindi na bibilangin. Dahil dito, si Abante na ang tanging kuwalipikadong kandidato na may pinakamataas na boto.

Matatandaang sa unang bilang ng boto, bahagyang lamang si Chua Uy kay Abante, 64,746 laban sa 63,358 votes. Ngunit dahil sa desisyon ng Comelec, si Abante na ang idineklara bilang “duly elected Member of the House of Representatives” ng ika-6 na Distrito ng Maynila.

Bagama’t maaari pang iapela ang desisyon, sa ngayon ay si Abante na ang kinikilalang lehitimong kinatawan ng distrito.

Si Abante, na nanilbihan na rin mula noong 2019, ay kilala bilang isa sa mga co-chairmen ng House Quad Committee na nagsagawa ng imbestigasyon sa mga isyu laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.