December 25, 2024

COMELEC 1ST DIVISION IBINASURA DQ CASE VS MARCOS JR

Binasura ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang mga petisyon sa disqualification ni presidential aspirant Ferdinand R. Marcos Jr.

Sabi ni Comelec spokesperson James Jimenez, binasura ng division na kinabibilangan nina Commissioner Aimee Ferolino at Marlon Casquejo, ang consolidated petition nina Bonifacio Ilagan, Abubakar Mangelen, at Akbayan “for lack of merit.”

Giit ng mga petititoner, hindi maaaring makatakbo sa pagka-presidente si Marcos Jr. dahil nahatulan na ito sa paglabag sa Internal Revenue Code, na may parusang perpetual disqualification sa pag-upo sa alinmang puwesto sa gobyerno.

Binanggit sa petisyon ang hatol ng Quezon City court noong 1995 hinggil sa hindi pagsasampa ni Marcos Jr. ng income tax return noong 1982-1984. Ang hatol ay kinatigan ng Court of Appeals pero tinanggal ang sentensyang pagkakulong.

“Contrary to petitioners’ assertion, the penalty of perpetual disqualification by reason of failure to file income tax returns was not provided for under the original 1977 NIRC,” ayon sa 41-pahinang ruling na sinulat ni Commissioner Ferolino.

“To be clear, the penalty of perpetual disqualification came into force only upon the effectivity of PD 1994 on 01 January 1986,” paliwanag pa niya.

Dating miyembro ng First Division ang nagretirong si Commissioner Rowena Guanzon na bumoto para sa disqualification ni Marcos Jr.

Nanindigan si Guanzon na hindi na maaaring makatakbo ang kandidatong nahatulang makulong ng higit 18 buwan sa kasong may kaugnayan sa “moral turpitude.”