December 26, 2024

COA: OWWA GUMASTOS NG P1M, NAPKIN BINILI SA HARDWARE (Deputy Administrator ng ahensiya ininguso)

Itinuro ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac ang bagong talagang Deputy Administrator na si Faustino “Boobsie” Sabares III na siyang bumili ng sanitary napkins sa isang hardware store na siyang kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA).

Sinabi ni Cacdac na si Sabares ay head ng kanilang enhanced community quarantine operations mula Marso hanggang Hunyo noong nakaraang taon.

Binigyan nila ng cash si Sabares upang agarang makabili ng supplies tulad ng mg PPE, pagkain, hygiene kits at iba pa.

Ang transaksyon ay sinita ng COA dahil bukod sa overpriced ay hindi makita ang pinagbilhang MRCJP Construction and Trading sa Malibay, Pasay City.

Sa nasabing hardware raw binili ang hygiene kits, sanitary napkins at thermal scanner na nagkakahalaga ng P969,920.

Bukod dito, kinuwestyon din ng COA ang pagbili ng OWWA ng P300,000 halaga ng snacks sa isang caterer sa Old Balara, Quezon City. Ang snacks na ito ay kinabibilangan ng mga Lemon Square, Fudgee Bar, Dowee Donut, Cupcakes at mga bottled water.

“Binigyan siya ng kaukulang panahon ng COA, so in that sense, hindi pa pinal yung findings kasi binibigyan pa siya ng kaukulang panahon para umapela dito sa findings,” sabi ni Cacdac.

Nabatid na si Sabares ay isang lider ng LGTBQ+ community na kumampanya kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections. Tinalaga siya sa OWWA nang malipat si Atty. Brigido J. Dulay sa Department of Foreign Affairs (DFA).