November 23, 2024

Clinical trials ng paggamit ng virgin coconut oil laban sa COVID-19 posibleng gawin sa Valenzuela

NAKIPAGPULONG kamakalawa si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa  Department of Science and Technology (DOST) para talakayin ang kolaborasyon laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsubok sa Virgin Coconut Oil (VCO) bilang panglunas sa  hindi malalang kaso ng nasabing sakit na posibleng gawin sa lungsod.

Ang nasabing pulong ay kaugnay ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution No. 62 na nagtatalaga sa mga Cabinet members na magbigay ng suporta sa mga lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila.

Nabatid, sinabi ni Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña na may mga natukoy nang mga mga paunang kolaborasyon gaya ng paggamit COVID-19 Disease Model nna tinatawag na Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler (FASSSTER) para sa pagbibigay ng forecast  sa antas ng lokal na pamahalaan; at ang posibleng pagkakasama ng siyudad na pinamumunuan ni Gatchalian bilang pagdarausan ng clinical trials para sa paggamit ng VCO bilang panlunas sa COVID-19.

Ang pagsubok sa VCO bilang panglunas sa COVID-19 mild cases ay ipinatutupad ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) kung saan pinangunahan ng DOST-FNRI ang pag-aaral sa komunidad at paglalahok ng VCO sa mga pagkaing ibinibigay sa persons under investigation.

Layon ng pag-aaral na matukoy ang posibleng benepisyo ng VCO para sa mga COVID-19 patients, mga contacts at iba pang pangkat na nasa malubhang panganib.