December 25, 2024

CLINICAL TRIAL SA PAGGAMIT NG CANNABIS BILANG GAMOT,  MATAGAL NANG NATAPOS

Tiniyak ng dalawang medical expert na matagal ng natapos ang clinical trial sa marijuana bilang mabisang gamot sa maraming uri ng sakit.

Sa lingguhang forum, sinabi nina Dr. Gem Marq Mutia, isang adult medicine expert at Dr. John Ortiz Teope, National Secretary General ng Timpuyog Pilipinas, na marami ng ginawang pag-aaral sa cannabis at napatunayan na ito ay may mabisang sangkap para gamitin sa panggagamot.

Kabilang sa mga sakit na malulunasan ay ang epileptic condition, cancer, anxiety at maraming iba pa.

Ayon sa dalawang eksperto, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa maraming kontinente ng mundo ay naisakatuparan na ang clinical trial.

Ang Food and Drugs Administration anila ay nakapagbigay na ng Compassionate Special Permit sa paggamit ng cannabis ngunit hindi naman ito para sa locally produced ng mga gamot kundi isang importation.

Kaya naman, hiling nina Dr. Mutia at Dr. Teope na aprubahan na ang panukalang batas na naglalayong alisin ang marijuana sa mga mapanganib na gamot na tinatakda sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ngayon, nasa Technical Working Group na anila  ng Kongreso ang naturang panukala at inaasahan nilang aaprubahan ito ng mga mambabatas.

Tinitiyak naman ni Dr. Richard Nixon Gomez, may kakayahan ang Bauertek Corporation na nasa Guiginto Bulacan na gumawa ng gamot mula sa marijuana.

Nabigyan ng lisensya ang Bauertek Corporation para gumawa ng mga gamot ngunit wala pa silang magagawa na gamot mula sa marijuana dahil hindi pa ito pinapayagan ng pamahalaan.