December 23, 2024

‘Clark Bike Days’ inilunsad ng CDC


‘BIKE DAYS’ SA CLARK. Bukod sa pagiging ideal investment destination, napili rin ang Clark bilang lokasyon para sa iba’t ibang sports-related activities tulad ng pagbibisikleta. Bukod sa maginhawa at accessible ang mga bike lanes at ruta, maituturing ang Clark bilang magandang destinasyon kung saan mae-enjoy ng mga tao ang open spaces dahil sa walkable, bikeable,  green at resilient. (CDC-CD Photo)


MAY pagkakataon na ngayon ang mga nagbibisikleta at siklista  na muling masilayan ang magagandang mga tanawin ng mga ruta sa Freeport matapos ilunsad ng Clark Development Corporation (CDC) ang “Clark Bike Days.”

Sa Facebook post ng CDC-Tourism and Promotions Division (TPD), ibinahagi ng state-owned firm na ang Sabado at Linggo ay inilaan bilang ‘bike days’ sa Freeport upang hikayatin ang mga bikers at cyclist na nais na dumaan at pumadyak sa iba’t ibang lugar rito.

Ang Prince Balagtas Road, na isa sa mga inilaan na ruta para sa ‘bike days,’ ay sarado para sa mga motorista tuwing Sabado at Linggo maliban sa FA Korea CC players at employees.

Ang aktibidad na “Clark Bike Days” ay mayroong mga iskedyul sa umaga at hapon. Ang programa sa umaga ay mula alas-5:00 hanggang alas-10:00 habang sa hapon ay magsisimula ito ng alas-3:30 at magtatapos ng alas-6:00.

Upang matiyak ang proteksiyon at kaligtasan ng mga magbibisikleta habang nagsasagawa ng aktibidad, ay ipatutupad ang safety protocols at guidelines sa lugar. Kabilang na rito ang paggamit ng QR codes para sa contact tracing at iba pang standard health measures gaya ng pagsusuot ng face mask, pananatili ng tamang distansiya para sa mga bikers at pagsunod sa traffic rules kabilang ang iba pa.

Bukod sa misyon nito na hikayatin ang lahat para health lifestyle at itaguyod ang alternatibong paraan ng transportasyon, layon din ng probisyon ng ‘bike days’ program sa Freeport na pasiglahin ang lokal na turismo at makabawi mula sa malawak na epekto ng pandemya.

Sa isang radio interview sa Clark in Action, ibinahagi ni Melvin Fausto, coach ng Philippine Triathlon team na nakikipag-ugnayan na sila sa CDC-TPD at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang gawing bahagi ang pagbibisikleta sa Tourism Recovery Plan sa Freeport.
  “We met with CDC and also with BCDA, to make this a part of the Tourism Recovery Plan. So, we are going to make an event for this and of course, we’re practicing the protocols as well. We would like to show that biking is safe in Clark even during this time of pandemic,” ayon kay Fausto.

Ang Freeport ay isa sa mga napiling ruta ng mga siklista dahil sa ligtas, maginhawa at accessible na landas at daanan ng bisikleta. Kasama rin sa probisyon ang paglalagay ng karagdagang traffic signage at ilaw upang matiyak ang kaligtasan ng mga nagbibisikleta sa lugar.

Bago pa man ang pandemic, ipinaprubahan na ng state-owned firm ang pagpapatayo ng bike lanes sa loob ng Freeport dahil sa dumarami na ang nagbibisikleta rito, kabilang na ang ilang manggawa na gumagamit ng bisikelta papasok ng kanilang trabaho.

Una nang inilunsad ng regional office ng Department of Tourism, at iba pang non-government organizations at CDC ang ‘bike tour’ upang ipromote ang Clark bilang tourism destination kung saan tampok ang iba’t ibang historical sites at mga bagong tourist attraction dito.

Nakapagtayo na rin ang CDC ng inisyal na bike lanes sa panunghaing mga kalsada rito tulad sa M.A Roxas Highway at Abad Santos Avenue. Malapit na ring matapos ang bike path sa Gil Puyat patungo sa Mabalacat Gate.