December 24, 2024

Claimant ng ₱218-M na shabu shipment sa NAIA, kinasuhan ng DOJ

IPINAGHARAP na ng kasong kriminal ng Department of Justice ang claimant ng 31 kilograms ng bawal na droga na naharang ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa Pasay City.

Ang paghahain ng kaso laban sa respondent na si Christine Tigranes ng Balingasa, Manila ay kasunod nang natapos na inquest proceeding patungkol sa ₱218,484,000 na shabu na nakalagay sa apat na brown na karton galing sa isang Isaac Chikore mula sa Zimbabwe.

Pinatunayan din  ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service na ang mga nakumpiskang kontrabando ay methamphetamine hydrochloride o shabu.

Kaugnay nito, pinaliwanag ng DOJ na may sapat na probable cause upang litisin si Tigranes sa kasong paglabag sa Republic Act 9615 o comprehensive dangerous drugs acr of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.

Samantala, nagbabala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga nasa likod nang pagpapakalat ng bawal na droga sa bansa na hindi titigil ang pamahalaan sa kampanya laban sa illegal drugs hangga’t hindi naidedeklarang drug-free ang Pilipinas.