December 25, 2024

City Mayor Ruffy Biazon… MUNTING SWIMMERS IHAHASA SA MUNTINLUPA

TARGET ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na itaas ang antas ng sports para sa kabataan gayundin ang palakasin ang sports-tourism upang mabigyan nang karagdagang hanap-buhay ang mamamayan higit na makilala ang lungsod bilang sentro ng komersyo at sports sa bansa.

Ayon kay Mayor Ruffy Biazon naglaan ang lungsod nang sapat na pondo para ayusin at mamintina ang mga pasilidad na naipatayo ng dating administrasyon at mga bagong itinutuloy ng pamahalaang lungsod para makilala ang Muntinlupa hindi lamang sa komersyo bagkus maging ‘sports hub’ sa bansa.

“Produkto itong mga pasilidad ng mga dating administrasyon at itituloy lang namin dahil nakikita bamin ang potensyal ng lungsod na maging isang matatag na sports-tourism destination sa bansa. Napakarami nating atleta sa National Team na nagmula sa lungsod at mas marami pa tayong kabataan na mahihikayat sa sports kung sapat at maituturing world-class ang ating mga pasilidad,” pahayag ni Biazon matapos ang inagurasyon ng bagong tayong indoor Olympic-size Muntinlupa Aquatics Center.

Ang naturang FINA standard swimming center ay matatagpuan sa loob ng Muntinlupa Sports Complex kung saan nagagamit din sa kompetisyon at school activities and basketball gymnasium, at football pitch.

Bilang panimula, isinagawa ng pamahalaang lunsod, sa pakikipagtambalan sa Swim League Philippines (SLP) na pinamumunuan ni Fred Ancheta 1st Ruffy Biazon Swim Cup kung saan naitala ang record 1,200 swimmers na lumahok mula sa iba’t ibang clubs at organisasyon na nasa pangangasiwa ng SLP.

Sa naturang programa, ipinahayag din ni Biazon ang kasundun sa SLP para maging ‘tahanan’ ng SLP swimmers at member ng National junior squad ang MAC.

“Open ang Aquatics Center para sa lahat ng swimming clubs nanagnanais magsanay dito but to this date ang SLP ang aming nakasundo rito at inihahanda na namin ang memorandum of agreement (MOA),” sambit ni Biazon na sinamahan sa programa nina Vice Mayor Artemio Simundac, Congressman Jaime Fresnedi, SLP Chairman Joan Mojdeh at FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia.

Nakiisa naman sa ceremonial swim-off para sa naturang event sina Southeast Asian Games gold medalist Chloe Isleta, National Junior record holder Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh, swimming prospect Julia Basa at Marcus deKam gayundin ang miyembro ng TODO Para athletes.