December 26, 2024

CIDG IMBESTIGAHAN ANG MGA ‘FIXER’ NG ISKEDYUL SA BAKUNA-ELEAZAR

METRO MANILA – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Albert Ignatius Ferro na magsagawa ng imbestigasyon sa mga nagsasagawa ng iligal na operasyon na mga “fixers” na naniningil para sa mas maagang makakuha ng iskedyul ang mga taong gusto nang magpabakuna laban sa COVID-19.

Iniutos agad ni PGen Eleazar ang direktiba matapos ibunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na may dalawang suspek na mga fixers ang nahuling naniningil kapalit ng mas maagang iskedyul ng bakuna kontra COVID 19 sa kanilang lungsod.

Sinabi ni PGen Eleazar, “I am directing the CIDG to investigate this scheme of vaccination schedule fixers in the different local government units. Maaaring hindi lang sa Pasig nangyayari ang ganitong modus at dapat ay matuldukan agad ito. We will closely coordinate with our LGUs to prevent the proliferation of this modus,”

Dagdag pa ng PNP Chief, “Sa kabila ng pandemya, talagang hindi mawawala ang mga taong mapagsamantala at  pagkakakitaan ang kagustuhan ng mga tao na agad na mabakunahan.  Mga walang kaluluwa ang mga taong gumagawa ng ganito na alam namang libre at talagang kailangang-kailangan ng ating mga kababayan ang bakuna kontra COVID-19 ay nagagawa pa pagkaperahan.”

Diin pa niya na, “Tubuan naman sana ng kunsiyensiya ang mga fixers na ito at maawa sa ating mga kababayan. Marami ang nagnanais magpabakuna pero nararapat pa din sundin natin ang priority list sa pagpapabakuna. May dahilan po kung bakit sila priority sa listahan,”

Nanawagan din si PGen Eleazar sa publiko na iwasang maging biktima ng mga ganitong gawain at hinimok na matyagang hintayin ang kanilang iskedyul sa bakunahan.

“Huwag po tayong kumagat at magpaloko sa ganitong modus. Uulitin ko na libre ang buong proseso ng pagpapabakuna, kailangan lang po natin hintayin ang ating schedule o ‘di kaya ay pumila sa mga vaccination centers ng mga LGU na bukas sa mga walk-in,” he said and added, “Tandaan natin na walang manloloko kung walang magpapaloko.” ayon sa PNP Chief.

Siniguro pa ni PGen Eleazar, “Ginagawa na po ng ating pamahalaan ang lahat ng paraan para mapabilis pa ang pagpapabakuna at maabot natin sa lalong madaling panahon ang herd immunity,”

Panawagan din ng PNP Chief sa publiko na agad idulog sa mga otoridad o sa iba’t ibang E-Sumbong platforms ang anumang impormasyon ukol sa iligal na pagsasaayos ng mga iskedyul ng bakunahan. (KOI HIPOLITO)